Bayad muna bago ma-proseso ang loan? Scam 'yan!
Kung ikaw ay inaalok na mag-loan na kailangan mong magbayad muna para sa instant approval, ito ay isang senyales ng panloloko na tinatawag na "advance-fee scam."
Ayon sa Securities and Exchange Commission, ang advance-fee scam ay isang uri ng modus operandi ng nagpapanggap na registered lending o financing company at karaniwang nag-aalok sa biktima ng malaking halaga ng pera'ng pautang kapalit ng maliit na paunang bayad. Pagkatapos magbigay ng paunang bayad ng biktima, bigla na lamang naglalaho ang scammer.

Paano matukoy at paano maiwasan ito? Narito ang mga sumusunod na palatandaan ng advance-fee scam.
Sign #1. Scammer na Nagpapanggap na Loan Officer ng Budget Finance Corporation
Isang scammer na nagpapanggap na loan officer mula sa Budget Finance ang nagpo-post sa mga Facebook Groups. Kapag ikaw ay nagpakita ng interes, sila ay magpapadala ng pribadong mensahe sa iyong Facebook Messenger para mag-alok ng di umano malaking halaga ng pautang. Meron ding modus na hinihikayat ng scammer ang biktima na kailangan nyong lumipat sa Telegram o Viber para sumali sa group chats ng iba pang nagpapanggap borrowers.
PAGLILINAW: Ang aming lehitimong empleyado ay HINDI po nagme-message gamit ang kanilang personal Facebook Messenger para mag-alok ng loan/reloan. Ang Budget Finance naman ay HINDI gumagamit ng Telegram o Facebook Group Chats para maproseso at magsagawa ng loan/reloan transaction.
Sign #2. Kailangan mong magbayad agad ng “processing fee” upang magrantiya ang approval ng iyong loan.
Sasabihin ng scammer na kailangan mong magbayad ng processing fee upang ipagpatuloy ang pag-disburse ng loan. Meron ding ibang scammer na dinadahilan ang pagbabayad mo ng processing fee in advance para magarantiya ang loan approval at ito ay ibabalik o mai-re-refund pagkarelease ng perang hiniram mo sa Budget Finance.
PAGLILINAW: Hindi kailanman hihingi ang Budget Finance ng anumang advance fees tulad ng service o credit assessment fees para sa pagproseso ng loan applications dahil maari namang ibawas ang processing fee sa loan ng kliyente sa oras na ma-aprobahan at marelease ang pera.
Sign #3. Bayaran ang processing fee sa pamamagitan ng Gcash Express Send
Sasabihin ng scammer na bayaran ang processing fee sa pamamagitan ng Gcash Express Send ngunit ang Gcash account ay hindi ito tugma sa pangalan ng taong kausap mo sa Facebook Messenger.
PAGLILINAW: Maaaring piliin ng mga kliyente na ibawas ang processing fee mula sa approved loan amount kaya walang perang ilalabas ang kliyente.
Sign #4. Paraan ng Pag-di-disburse ay via Gcash o Bank Transfer
Sasabihin ng mga scammer na ang loan proceeds ay ididisburse sa pamamagitan ng GCash o bank accounts.
PAGLILINAW: Sa kasalukuyan ibinibigay namin ang aprobadong loan ng isang aplikante ng CASH o CHECK, kaya kinakailangan ang personal na pagpunta sa aming opisina kapag aprobado na ang aplikasyon.
Sign #5. Gumagamit ng pressure tactics
Pipilitin kang magbayad agad para ma-i-proseso ang iyong aplikasyon.
Ano ang mabisang gawin?
Kilatisin muna kung lehitimong empleyado ng Budget Finance ang kausap at huwag magpadala sa kung ano mang magandang alok.
Kung makatagpo ka ng alinman sa mga palatandaang ito, huwag magpadala ng pera at i-report agad sa amin ang insidente. Tumawag sa aming Customer Service Mobile Hotline sa
0917-146-2593 o mag-email sa customer.service@budgetfinance.ph. Maging alisto at huwag magpaloko.